screw the status quo. we need change and we need it now. we need not a leader who plays with words and public funds. we need not a leader whose years of service fall under the 'fiction' category. we definitely need not a leader who knows nothing. we require a leader who has conviction, who has the guts to change the seemingly unchangeable. we need... to prepare for 2007. Now.

Friday, December 19, 2003

Remember Indie? Yup. She's my bestfriend who now works as a part-time/fulltime instructor in the Bulacan State University. (For those who missed that whole BSU-related comment webpage I did some months ago, a part-time/fulltime instructor in the said university has a workload equivalent or even more than that of a permanent/regular professor in the university, less the benefits and other financial priviledges, thus- part-time/fulltime.) She emailed me once again about the perils of part-time/fulltime teachers in the cursed university. What's weird about this email is that it kinda sounds like Bob Ong. Well, I am not surprised since she also was the one who gave me the "Ang Paboritong Libro ni Hudas" as a holloween gift. We're both fans of Mr. Ong.

----------------------------------------------------

"Dear Katie,

Ipagpaumanhin mo kung mananagalog muna ako ngayon. Katatapos ko lang kasing basahin yang libro ni Ong (binigyan din kita ng isang kopya, di ba?) at mukhang ako'y na-inspired magsulat na gamit ang kanyang estilo. O sige, gayahin ang kanyang estilo pala.

Kaninang umaga, nagulat na lamang ako nang tanungin ako ng mga estudyante kung alam ko nang bago na ang pangalan ng unibersidad na pinapasukan namin. Aba! Bakit hindi ko nabalitaan yan. Sabagay, talagang ganyan sa BSU. Parating nauuna sa balita ang mga estudyante, lalu na pag ang balita'y tungkol sa walang pasok- walang pasok bukas, walang pasok mamaya, walang pasok sa isang linggo, walang pasok sa Pasko.

Ano nga ba ang bagong pangalan ng Bulacan State University? BSU pa rin daw, ang sabi ng mga nanggigitatang mga estudyante ko sa Engineering. BSU pa rin- Bricks State University. Tawanan silang lahat. Tawa rin naman ako. Totoo naman eh. Mukhang itong si BSU President Rosario (lalake yan na pinangalanang babae ng kanyang mga magulang nang di nila mawarian ang kasarian ng kawawang sanggol nang siya ay sangol pa) ay talagang siyang-siya ngayon sa mga bricks. Kita mo't lahat yata ng sasayaran ng paa sa campus eh gustong palagyan ng bricks. Ah! Wala siyang pakialam sa mga batikos. Kesyo walang pambayad sa pagpapagawa ng mga mas importanteng dapat gawin sa campus- tulad ng pagpapagawa ng mga classroom, karagdagang mga computer para sa pagtuturo ng IT, karagdagang bentilador pamatay-init sa Spratleys, o dili kaya'y walang pangsweldo sa mga kawawang mga guro ng unibersidad na trabaho nang trabaho, wala namang natatanggap na sweldo- basta huwag lang masayaran ng dumi, alikabok, putik, tae ng aso, mga pisak na kulisap, lupa at kung anu-ano pa ang kanyang mga malasutla't kinukulaning mga paa. Sabi ni President Rosario Pimentel, mas mabuti daw kung maganda ang kapaligiran ng paaralan, kasi may psychological effect ito sa mga estudyante at mga guro. Pag pangit nga naman daw ang paligid, di masarap mag-aral. Sinabi nya iyon nung magkaroon ng accreditation ang Graduate School ng BSU, kung saan nabatikos at nasabon siya dahil animo website ng BSU eh balitang hapon pa daw ang nakasulat. At wala daw sapat na facities ang mga library, at mga facilities din na makatutulong sa estudyante. Halatang-halata naman kasi eh. Kung saan-saan kasi dinadala ang pondo. Buti nga sa kanya.

Kung iisipin, parang may mali yata sa paniniwala niyang iyan. Tingnan mo, maganda ang kapaligiran. Malinis. Masarap ang simoy ng hangin. Walang alikabok. Puro kintab at kinis ang makikita mo. Pero kung wala namang pangkain at pampamasahe man lang ang mga kawawang part-time instructors, aanhin mo lahat yan? Kita mo, maganda ang mga parke, pero pagpasok mo sa mga classroom, lalu na sa rooftop ng educ (biruin mo, rooftop ginawa pang classroom sa kakulangan ng budget pampagawa ng karagdagang facilities?!), kung ang naririnig mo naman ay ang musiko sa kapitbaha na kapitolyo, paano ka gaganahang magturo o mag-aral? Biruan nga sa BSU, kaya daw ganyang katalas mag-isip yang presidente ng BSU na yan, kasi may PARKinson's disease. Corny, pero totoo. Puro parke, wala namang paki sa mga employees nya.

Isang buwang hindi sumuweldo ang mga part-timers noong nakaraan. Tsk. Halos gumagapang na sa hirap ang mga guro- hindi na ako magtataka kung talagang yung iba ay ni hindi na makapasok ng eskwelahan. Di na kumakain, nangangalumata sa klase, halos wala nang maisip kundi ang kung paano kikita ng pera sa labas ng eskwelahan. Kung tutuusin, bawal nga sa guro ang raket, pero sa sitwasyon naming iyon, masisisi ba kami? Next year, evaluation ng mga teachers. May mga guro na maaakusahang hindi halos pumasok ng Nobyembre hanggang Disyembre sa klase. Masisisi mo ba sila kung talikuran nila pansamantala ang kanilang obligasyon para lamang makahanap ng pambili ng pagkain sa araw-araw? Lalu pa sa mga part-timers na fulltime kung magtrabaho- na iyon at iyon lamang ang pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na pangtustos sa buhay?

Malapit na ang Pasko, ngunit heto. Wala pa ring biyaya. Ang sabi-sabi, 5 million pesos lang daw ang maibibigay ng university sa daan-daang mga manggagawa nito bilang Christmas bonus (o Christmas gift). Akala ko ba'y may pondong talagang nakalaan na si Presidente Gloria pa nga mismo ang nagbigay para sa mga mangagawa ng gobyerno? Heto't ni kusing ay di mapakawalan. Kung sana'y sa bawa't sambit ng mga administrador na "Walang pondo, naghihirap ang unibersidad natin" ay makikita talaga sa paligid na naghihirap nga talaga ang unibersidad. Pero hayun! Habang nangungulelat ang mga pitaka't bulsa ng mga guro SA PANAHON PA NAMAN NG KAPASKUHAN, naggagandahang parks at mga walang saysay na pagpapaganda ng paligid naman ang nakikita, na obvious na ginagastusan ng malaki ng administrasyon ng Bricks State University. May balita pang 2.5 million na karagdagang ginagastusan na naman ng eskwelahan ang pagpapalagay ng karagdagang bricks sa tapat ng administration building, habang naiiwang nanggigitata at nabubulok ang gasgas na gasgas at gamit na gamit nang mga classrooms sa Federizo Hall, Spratleys at Education Building. "Aba! Pinagawa namin ang CR ng Educ!" sambit ng kagalang-galang na presidente ng BSU. Oo nga, at dun na lang din kami magka-klase.

Oo, kapaskuhan pa naman. Hindi ba't ang Christmas bonus, na sinasaad sa batas ay kailangan ibigay talaga sa mga manggagawa ng gobyerno, ay sadyang ibinabahagi nang sa gayon ay lubos na mapaghandaan ng bawa't isa ang Pasko? Paano mo pa mararamdaman iyon kung sa Dec. 23 mo pa matatanggap iyon? Paano mo pa magagawang mamili sa Maynila ngayong alam mong sa mga panahong iyon ay nagtatae na sa tao ang mga shopping malls, tiangge at palengke? Oo, Katrina, walang pasko sa amin ngayon. Kawawang anak at pamangkin ko na hindi ko pa nabibili ng regalo sa pasko. Walang pasko sa BSU, sa kabila ng mga palamuti na buti pa ang mga iyon at binabayaran ng unibersidad. Palagay ko, magkakasya na lang muna kami sa pagkanta ng pamaskong videoke na last year ko pa binili. Ngayon lang mangyayari ito sa buhay pamilya ko. Nakalulungkot.

Sana ay magkaroon ulit ng isa pang webpage sa homepage mo, Katie, tungkol sa mga baho ng Bulacan State University. Hirap na hirap na ang mga gurong wala na yatang representante sa itaas dahil sa pagkabuwag at pagkasira ng aming unyon. Pinababayaan na kami ng institusyong pinaglilingkuran pa rin namin hanggang ngayon. Hindi kami makasigaw, pero sana, kahit sa internet man lamang, marinig ang aming tinig. Kung hindi mapatunayan ang pagkakaroon ng graft and corruption sa Pilipinas, hindi na kailangang mag-imbestiga pa, dahil dito sa Bulacan State University, ang graft and corruption ay isang popular na tradisyon na sa opisina ng presidente nito.

Indie"

----------------------------------------------------------------

My friend, you are far from beating Bob Ong's style. But your point is worthy enough to be featured in my blog, and in Hate Philippines later. Just hold on tight, Bricks State University's stench is going online later this month!

---end of entry---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home